by Rodolfo C. Estimo Jr. | Pinoy Xtra (Arab News)PANUNUMPA: Ang mga bagong pinuno ng IECEP nang iluklok sila sa kanikanilang mga puwesto ni Labor Attaché Albert Q. Valenciano kamakailan. Ang grupo ay pinangunahan ni Mario A. Balboa, pangulo.
RIYADH: Sinabi ni Labor Attaché Albert Valenciano na laging handa ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh upang maglingkod sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).“Kami ay handang tumulong. Kami ang inyong lingkod. Kung wala kayo ay wala rin kami rito,” sabi niya kamakailan nang iluklok sa tungkulin ang mga pinuno ng Institute of Electronics & Communications Engineers sa Pasuguan ng Pilipinas kamakailan lamang. Para sa marami, ang tinuran niya ay nagsasalamin sa sinabi ni Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III noong kaniyang inagurasyon sa Quirino Grandstand sa Luneta noong Hunyo 30. Sinabi ng Pangulo sa sambayanang Pilipino na “Kayo ang aking boss.”Nagsalita rin si Mario A. Balboa, ang pangulo ng grupo, sa okasyon, kung saan naging emcees sina Toastmaster (TM) Jorge Nathaniel Amores, past president ng grupo, at TM Pinky Amores. “Ang grupo ay nag-umpisa bilang isang panaginip upang magtayo ng isang magaling na organisasyon ng mga Electronics Engineers sa Saudi Arabia. Sa ngayon, ang grupo ay kinabibilangan ng mga inhinyerong magaling sa kanilang larangan,” sabi ni Balboa. Sinabi niya na ang mga miyembro ay nagtatrabaho sa iba’t-ibang kumpaniya na nasa telekomunikasyon, electronics, information technology, military at defense, automation at control at akademya. Idinagdag niya na ang grupo ay naghahangad na patuloy na isulong ang career ng mga miyembro, panatilihin ang propesyunalismo at tamang paglinang sa kanilang propesyon ng mga kasapi, isulong ang antas ng imahe ng mga miyembro sa lipunan, pangalagaan ang pribilehiyo ng mga miyembro at isulong ang kanilang
kapakanan.
“Ang grupo ay magkakaloob din ng tulong na pang-propesyunal, pananatilihin ang pagkakaisa ng mga miyembro, paramihin pa ang mga miymebro, at hikayatin silang maging aktibo sa mga proyekto ng organisasyon,” sabi ni Balboa. Isa sa mga pangunahing proyekto ng grupo ay ang ECE Licensure Revierw Board Examination na ginaganap tuwing Biyernes sa Al Taj International School. Ang pagsusulit ay nakatakda sa Nob. 16-18.
Ang mga iniluklok sa puwesto ay sina Mario A. Balboa, pangulo; Catalino Criste, VP-Internal Affairs; Sonny Acance, VP-External Affairs; Modesto Gibas, VP-Education; Jonathan Tiston, secretary general; Oscar Oliva, ingat-yaman; Rito Banan, auditor; at Anthony Castrojo, Alberto Abarquez, Joel Liwagon, Enrico Manalo at Jose Agni Red, directors.
NOTE: You can download the complete Arab News Pinoy Extra July 18,2010 Issue in pdf here